Wala nang urungan sa pag-amyenda sa Saligang Batas para palitan ang sistema ng gobyerno mula presidential tungo sa Pederalismong sistema dahil sa susunod na taon ay magsasanib-puwersa na ang Kapulungan ng Kongreso sa ilalim ng Constituent Assembly (Con-Ass).

Ito ang napag-alaman kay House Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez, matapos mapag-usapan ang Charter Change (ChaCha) sa Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) na ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Martes sa Malacañang.

“Naaalala ko lang na isa ‘yung federalism na kailangan maumpisahan na talaga natin,” ani Alvarez hinggil sa prayoridad ng Executive at Legislative hearing na aaksyunan sa susunod sa nasabing pulong.

“Baka early next year. Pero mag-uumpisa na ‘yung committee hearings (sa House),” ayon pa kay Alvarez kaya ngayon pa lamang ay nagtatrabaho na, ­aniya, ang apat na technical working group para pag-aralan­ ang binubuong Philippine Federal Constitution.