Nakaeskapo ang incumbent barangay captain ng Brgy. Datu Esmael sa Dasmariñas City, Cavite, na itinuturong lider ng notoryus na drug group sa nabanggit na lungsod, matapos dumaan sa likod ng bahay at diretsong nakalabas nang dumaan sa mismong Mosque ng mga Muslim.
Dakong alas-4:30 ng madaling-araw kahapon nang tunguhin ng grupo ni PSupt. Gil Torralba, OIC ng Provincial Intelligence Branch ng Cavite Police, ang bahay ni Brgy. Captain Dirimpasun Unti Pangandag @ Bong, 50, upang ihain ang search warrant, ngunit kahit nakaeskapo ay narekober sa bahay nito ang ‘di lisensyadong tactical cal. 45, 3 magazine, samu’t saring bala at 10 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P100,000.
Kasabay ding inihain ang dalawa pang SW sa nasabi ring barangay na nagresulta sa pagkakadakip sa apat-katao na naaktuhan sa eksena ng pot session, at kinilalang sina Jonathan Tecson (34), Emilio Ballesteros (43), Reymart Villanueva (21) at Sinalh Pangandag (23).