Champion Letran puso ang nagdala

Napanood ko ang pangatlong laro ng NCAA championship ng Letran Knights kontra San Beda Red Lions at ako ay tala­gang natuwa sa laro.

Nanalo ang Letran ng 2 puntos, 81-79.

Nakita ko na parehong gutom sa panalo ang dalawang koponan, ang San Beda, gusto protektahan ang nakasana­yang tradisyon na laging nananalo sa torneo. Ang huling panalo ng Letran ay noong panahon ni Coach Aldin Ayo noong 2015.

Tinalo din nila ang San Beda.
Ngunit ang San Beda, bago ‘yung kampeonato ni Coach Ayo, sila laging nagwawagi ng mga championship noong huling dekada.

Kasama sa koponan ay ang mga magagaling na manlalaro tulad nila Kevin Racal, Rey Nambatac, Mark Cruz, John Quinto at iba pa.

Ngunit sa nakita ko sa laro, mas gutom ang Letran. Ang ganda ng laro nila Jerick Balanza, Bonbon Batiller, Larry Muyang at Fran Yu, na itinanghal na Finals MVP.

Sa huling laro, ang nakita ko na ibinuhos lahat ng kakayahan ay si Balanza, na gumawa ng 27 na puntos, limang tres.

Alam naman natin na noong isang taon, nagkaroon ng malalang sakit si Balanza, at siya ay inoperahan sa utak para alisin ang tumor. Pero sa laro na pinanood ko, parang hindi nagkasakit.

Lumaban nang husto, at sunod-sunod ang tres na ibinato niya. Si Balanza din ang humabol sa tira ni Nelle noong patapos na ang laro.

Napakaganda ang depensa niya at sinapal niya ang magaling na point guard ng San Beda na si Evan Nelle.

Sa huling play ng San Beda, pinasa ang bola kay Nelle at nag-drive ito sa gitna, ngunit nandoon si Balanza, na-block niya ‘yung tira ni Nelle, at hindi na umabot pa sa overtime.

Bukod sa magagaling na manlalaro ang San Beda, meron ding mga foreign player gaya nina Donald Tankoua at James Kwekuteye na itinanghal na miyembro ng NCAA Mythical Team.

Walang import ang Letran, at ito”y binida nila sa kanilang mga t-shirt na suot.

Nakalagay sa likod ng t-shirt nila na ‘NO IMPORT, NO PROBLEM’. Palagay ko, ito din ang isa sa mga nagbigay ng inspirasyon sa mga manlalaro ng Letran.

Kahit na mga role player ng Letran na sina Ular, Caralipio, Mina at iba pa, nag-step up din, at tumulong sila sa dagdag puntos, depensa at pagre-rebound.

Sa basketball, hindi lang palakasan, pabilisan at pataasan ng lundag, importante din na ginagamit ang utak, at ang pinakaimportante sa lahat, puso.

Congrats Letran Knights!