Championship rings tinanggap ng Raptors

Bago tinalo ng Toronto ang New Orleans Pelicans 130-122 sa overtime sa season-opener ng 74th NBA 2019-2020, tinanggap muna ng Raptors ang pinakamalaking championship rings sa kasaysayan ng liga.

Niladlad din nila ang banner na magpapaalala sa six-game triumph nila sa Golden State Warriors nitong June para sa kauna-unahang NBA title ng Toronto.

Wala na sa Raptors sina NBA Finals MVP Kawhi Leonard at guard Danny Green na parehong tumawid ng Los Angeles, magkaiba nga lang ng address – si Leonard sa Clippers, si Green sa Lakers.

Pinangunahan ni NBA commissioner Adam Silver ang parangal sa Raptors.

Higit 650 diamonds ang nakabaon sa singsing, may 16 rubies pa na kumakatawan sa bilang ng playoff victories para makuha ang titulo.

Sa harap ng ring, nagsilbing skyline ang diamonds sa itaas ng “North” na puro diyamante rin at nasa loob ng golden chevron inverted V.

Matapos maipamigay ang mga singsing, pinasalamatan ni five-time All-Star guard Kyle Lowry ang fans, bago ipinalibot sa kanya ang teammates at inumpisahan ang countdown para iladlad ang black-red-gold championship banner sa taas ng home bench. (VE)