tonite-no-thanks-cristy-fermin

Nakakalula pala talagang gumastos ang isang kilalang female personality. Kaya niya namang mag-splurge, mayaman siya, meron siyang pagkukunan na walang inaabalang kahit sino.

Huwag na sa kanyang mga personal stuff, kahit sa kanilang mga kagamitan sa bahay ay hindi siya basta-basta bumibili, sa mga catalogue mula sa iba-ibang bansa siya umo-order ng kanyang mga gusto.

Isang Pinoy na nagtatrabaho sa isang napakalaking house depot sa ibang bansa ang tiyempong nakapag-assist sa female personality sa pag-iikot niya du’n.

“Mabusisi siyang mamili, meron siyang mga dala-dalang catalogue, meron din siyang tinitingnan sa phone niya para makasiguro siyang ‘yun nga ang mga hinahanap niya.

“Puro mamahalin ang pinipili niya, ‘yung isang kinuha nga niyang chandelier, e, kapresyo na ng isang bahay ang halaga. Milyunan talaga!

“‘Yung mga tiles na gagamitin sa CR niya, with special design talaga, du’n pa lang, e, napakalaki na ng ginagastos niya. May taste talaga siya, yayamanin talaga ang girl, alam niya ang mga eleganteng kagamitan,” kuwento ng aming source.

Hanga sa kanya ang ating mga kababayang nagtatrabaho sa pinuntahan niyang lugar dahil wala siyang kaarte-arte. Marumi na ang kanyang kamay dahil sa kahihipo ng mga materyales, pinagpapawisan na siya kahit pa malamig sa bansang ‘yun, pero wala kang maririnig na reklamo mula sa aktres.

“Wala siyang alalay, ha? Mag-isa lang siyang nag-iikot at order nang order ng mga kagamitang kaila­ngan niya. Marespeto siya sa mga trabahador, parang napakaordinaryo lang niya, pero nu’ng i-total na ang kanyang mga pinamili na ibabarko na lang, e, sho­cking Asia ang binayaran niya!

“Milyones! Dollar ang bayaran! Sa mga pinamili pa lang niyang tiles na gagamitin sa CR niya, e, isang napakalaking kabuhayan showcase na!

“May heart siya sa mga manggagawa, hindi siya maldita, ‘yun lang!” pagtatapos ng aming source.
***

Alden ‘di apektado sa relasyon nina Maine-Arjo

Habang nagkakagulo ang mga miyembro ng AlDub Nation dahil sa diretsong paglalantad nina Arjo Atayde at Maine Mendoza tungkol sa kanilang relasyon ay hayun naman ang Pambansang Bae at hindi apektado.

Inilalaan ni Alden Richards ang kanyang panahon para sa malaking preparasyong dapat niyang gawin sa pagbubukas ng kanyang food chain sa April 26 na.

Napakasuwerteng personalidad, sa maagang panahon ay meron na siyang franchise ng isang food chain na sikat at walang kalugi-lugi, pangarap lang ‘yun para sa maraming artista.

Alam ni Alden kung saan ilalagay ang kanyang mga pinaghihirapan, hindi niya pinagdadamutan ang kanyang sarili pati ang pamilya niya, pero malayo ang tanaw niya sa buhay.

Paano nga naman kung isang araw ay tumamlay na ang kanyang career? Ano ang gagawin niya kapag ang mga proyekto ay ibinibigay na sa iba dahil tapos na ang kanyang panahon?

Pagkain ang negosyong tinutukan ni Alden. Alam niya na panguna­hing pangangailangan ang pagkain. Hindi tayo mabubuhay nang hindi kumakain.

Sabi nga ng isang bilyonaryong negosyanteng nakakuwentuhan namin ay may mga siguradong negosy­ong walang katalu-talo kung aala­gaan lang natin.

Pagkain, gasolinahan, ospital at drugstore. Sa araw-araw ay kaila­ngan nating kumain, magkarga ng gasolina, bumili ng gamot para sa ating sakit at kung talagang hindi na kaya sa gamot lang ay ospital na ang kailangan nating puntahan.

Restaurant ang unang pinasukan ni Alden kasosyo ang kanyang mga kaibigan, ngayon ay meron na siyang sikat na food chain na silang magkakapamilya ang mamamahala, pero nakarating sa amin ang impormasyon na may mga kinakausap na siya para sa plano niyang paglinya sa gasolinahan.

Mahusay humawak ng pananalapi ang Pambansang Bae, kaya magkagulo na silang lahat d’yan dahil may iba nang karelasyon si Maine Mendoza, pero kampanteng-kampante lang si Alden Richards.