Change has come

aksyon-kaye-box Kaye Dacer

Papatapos na ang taong 2016 at napakara­ming mahahalagang ­bagay ang nangyari sa ating bansa at siyempre sa personal kong buhay.

Sa ating bansa muna tayo dadako, dahil kalagitnaan ng 2016 nang maluklok sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.

Marami talaga ang nagulat sa pagkakapanalo ng ating Pangulo pero isa ako sa naniniwalang lulusot ang Pangulo dahil sa mainit na ­suporta sa kanya ng nakarara­ming mga botanteng Filipino na nangyari nga.

Kasunod ng kanyang pagkakapanalo ay unti-unti nang naisakatuparan ang kanyang mga ipina­ngako noong mga panahon ng kampanya.

Unang-una na rito ang giyera kontra iligal na droga na sa una ay ikinagulat ng Pangulo sa lala ng problema dahil sa mil­yong mga Pinoy ang ­apektado.

Pati ang korapsyon sa gobyerno ay unti-unti nang nireresolba ng gobyernong Duterte. Sa katunayan ay mara­ming mga tiwaling opisyal at tauhan ng ilang ahensya ng gobyerno na ang sinibak dahil sa pagkakasangkot sa iregularidad sa tanggapang kanilang pinaglilingkuran.

Ang kampanya kontra kriminalidad ay pa­tuloy pa rin. Resulta ng pinaigting na kampanya kontra kriminalidad ay ang pagbaba ng bilang ng mga krimeng nangyayari sa bansa na nauna nang ini-report ng Philippine National Police (PNP).

Ang tatlong pangunahing misyong ito ng Pangulo sa bansa ay unti-unti nang nagkakaroon ng katuparan kaya asahan natin na dahil sa patuloy na paglilingkod sa bayan ng gobyernong Duterte ay isang ligtas na komunidad ang ating titirhan na hindi malayong mangyari sapagkat sa halos kalahating taon pa lamang sa poder ni Pangulong Digong ay ramdam na natin ang kanyang ipina­ngakong pagbabago.

Speaking of pagbabago, kasama ang inyong lingkod sa pagbabagong iyan dahil matapos ang mahabang panahon kong pagtatrabaho sa ilang programa sa DZMM, pinakahuli ay ang Aksyon Ngayon ay nagpaalam na ako sa istasyon.

Nakakalungkot ­dahil sa mga programa sa DZMM ako nagkaroon ng pagkakataong makatulong sa ating mga kababayan.

Pero naniniwala ako na hindi kailangang matali sa isang trabaho para tumulong dahil mangyayari ang puspusan ko pang pagseserbisyo sa ilalim ng bago kong ­mis­yon sa 8-TriMedia.

Sa aking mga rea­ders, masaganang Bagong ­Taon sa inyong lahat at maraming salamat sa pa­tuloy na pagtangkilik.