Character assassination

Kahapon ay nahuli na si Vhon Martin Tanto na na­ging subject ng nationwide manhunt matapos siyang madawit sa pagpatay sa nagbibisikletang si Mark Vincent Geralde matapos ang ilang minutong pambubuno sa kahabaan ng P. Casal St. sa Quiapo, Maynila noong Lunes ng gabi.

Nahuli si Tanto kahapon ng alas-11:40 ng umaga sa Brgy. Poblacion East sa bayan ng Milagros sa Masbate ng pinagsanib na mga elemento ng Phi­lippine Army  Intelligence and Security Group, 9th Infantry Division at lokal na pulis ng Masbate.

Nakatakdang dalhin si Tanto sa Manila Police District (MPD) headquarters kung saan siya pansamantalang makukulong at sasampahan ng kasong kri­minal na posibleng murder na non-bailable o homicide na bailable depende sa ebidensiyang hawak ng MPD.

Sa pagkakahuli kay Tanto ay lalu namang lumakas ang kasong puwedeng isampa laban sa Top Gear Philippines ni Nestor Punzalan na unang itinurong siyang may-ari ng pulang Hyundai Eon na may conduction sticker number MO-3746.

Hindi na rin matukoy ng Top Gear Philippines kung saan nagmula ang u­nang mga posts ng litrato ni Punzalan at ng kanyang Hyundai Eon pero napag-ala­man na mali ang hu­ling numero ng conduction sticker dahil ang pulang Hyundai Eon ni Tanto ay may nume­rong MO-3745.

Dahil sa pangyayari ay agad nagtungo si Punzalan at kanyang asawa sa National Bureau of Investigation (NBI) headquarters sa Maynila para linisin ang kanyang pangalan at para na rin sa kanyang kaligtasan dahil kumalat na sa social media ang kanyang pa­ngalan, mukha at litrato ng kanyang pulang Hyundai Eon na katulad ng conduction sticker ng kay Tanto maliban sa huling numero.

Habang nasa NBI headquarters si Punzalan ay siya namang pagkalat sa social media ng mga litrato ni Tanto na siyang itunurong salarin ng mga testigo sa insidente sa P. Casal Street.

Dahil dito ay napahiya ang Top Gear Philippines at agad nalabas ng public apo­logy ang editor-in-chief nitong si Vernon Sarne na hindi rin maipaliwanag kung bakit niya inilabas sa Facebook account ng kanyang car magazine ang larawan ni Punzalan nang wala man lang beripikasyong ginawa sa MPD na siyang dapat ginagawa ng mga responsableng mamamahayag.

Character assassination ang ginawa ng Top Gear Magazine kay Punzalan na dumanas ng matin­ding bashing sa social media sa pag-aakala ng maraming netizens na tama ang impormasyong inilabas ng naturang FB account ng Top Gear.

“‘Di puwede ‘yung sorry, sorry na lang. Grabe ang ginawa nila, dapat silang managot. Paparata­ngan nila akong killer? Parang sobrang natrauma po ako…

Sa mga message or sa comments nila, medyo parang gusto na rin nila ako patayin which is nakakatakot,” paliwanag ni Punzalan matapos malinis ang kanyang pangalan sa NBI.

Ayon sa legal counsel ni Punzalan na si Atty. DJ Jimenez, puwedeng kasuhan si Sarne ng paglabag sa Cybercrime Prevention Act dahil ang pagpapakalat ng litrato ni Punzalan ng Top Gear Magazine ay isang anyo ng cyber bullying.

Hindi ko lang alam kung ano ang magiging hakbang ni Sarne pero kung sa ibang bansa nangyari ito ay walang ibang opsyon sa nasa likod ng gusot kundi ang magbitiw sa puwesto kundi man siya sibakin ng kanyang mga amo.