KUNG sa Toscana, Italia naganap ang kasal ni Isabelle Daza, sa Venezia, Italia naman ay nagwagi ang bagong obra ni Direk Lav Diaz ng PINAKAMATAAS na parangal sa pestibal doon.

Ang Babaeng Humayo (The Woman Who Left) ng Pilipinas ang pinagkalooban ng Golden Lion (Leone d’Oro) for Best Film ng 73rd Venice International Film Festival.

Ito ang first win ng isang Southeast Asian film sa 73-year history ng pinakamatandang filmfest sa buong mundo.

Hindi pinalad na manalo ang bida ng pelikula na si Ms. Charo Santos-Concio, pero umani ng papuri ang kanyang pagganap bilang dating guro na nakulong nang tatlong dekada sa isang krimen na hindi niya ginawa, tapos ay naghiganti.

Napaiyak sina Ma’am Charo at John Lloyd Cruz sa audience nang ideklarang Golden Lion winner ang kanilang pelikula. Isang epileptic transgender na kaibigan ni Charo ang role ni John Lloyd sa movie.

“This is for my country, for the Filipino people, for our struggle, for the struggle of humanity. Thank you, thank you so much,” sambit ng 57-an­yos na direktor sa kanyang acceptance speech.

Kakapanalo lang ni Diaz ng Silver Bear sa Berlin filmfest nu’ng Pebrero para sa 8-hour film na Hele sa Hiwagang Hapis, ngayon ay Golden Lion naman ang nakuha niya sa Venezia para sa halos apat na oras na Ang Babaeng Humayo.

Hindi si Natalie Portman ng Jackie kundi si Emma Stone ng La La Land ang nagwagi ng Volpi Cup for Best Actress.

Best Actor si Oscar Martinez para sa The Distinguished Citizen, habang dalawang direktor ang naghati sa Silver Lion for Best Director.

Ang Grand Jury Prize (bale 2nd Best Picture) ay napanalunan ng Nocturnal Animals ni Tom Ford.

After ng big win ng Ang Babaeng Humayo sa Venezia 73, lumakas ang Oscar buzz ng obra ni Lav Diaz.

Sinasabi ring malaki ang chance ni Ms. Charo na maging Oscar frontrunner for Best Actress.

Ayon sa chief UK film critic ng Variety na si Guy Lodge, hindi puwedeng manalo ng ibang awards ang Golden Lion winner kaya si Emma Stone ang nagwaging Best Actress sa halip na si Charo.

Kung pagbabasehan ang tweets ng nasabing British film critic ay ma­laki ang pag-asa ng Pili­pinas sa The Woman Who Left para sa Best Picture, Best Director at Best Actress sa 2017 Oscars!