MATAPOS lumikha ng kasaysayan sa Philippine cinema sa pagkapanalo sa prestihiyosong Golden Lion sa Venice Film Festival, muling gumawa ng ingay mula sa film critics ang pelikulang Ang Babaeng Humayo sa North American premiere nito sa Toronto International Film Festival (TIFF).

Sa review ni Lorenzo Esposito ng Cinema Scope, sinabi niya na, “If there’s someone who thinks that The Woman Who Left is a minor Lav Diaz film — because it’s the second one this year, or because, at 227 mi­nutes, it’s ‘short’ for him — let’s say up front that this is one of his best.”

Binigyan ni Ben Nicholson ng Cine Vue ng four out of five stars ang pelikulang prino­dyus ng Cinema One Originals at Sine Olivia, at inilarawan pa ang pagganap ng lead star na si Charo Santos bilang “incredible” at “magnetic.”

Sa isang interview pagdating sa Toronto, pinahayag ni Charo kung gaano siya kasaya para kay Lav at sa Golden ­Lion award.

“Nakakaproud, nakakatuwa and I am very happy for Lav Diaz. He really deserves this,” ­lahad ni Charo.

“Nu’ng nag-usap kami noong Marso, sabi namin, gagawa lang kami ng pelikula. We will just going to have fun.

“But this is more than just having fun. This is a great adventure and really a most unforgettable moment.”

Tampok sa Ang Babaeng Humayo, na may international title na The Woman Who Left, ang kuwento ni Horacia (Charo Santos), isang babaeng naghahanap ng paghihiganti matapos siyang makulong nang mahabang panahon para sa isang krimeng hindi niya ginawa.

Minarkahan din nito ang pagbabalik pelikula ni former ABS-CBN president at ngayon chief content officer na si Charo at prinoduce para sana buksan ang Cinema One Originals independent film competition para sa taong ito.

***

Bukod sa cinema­tic masterpiece ni Lav at pagbabalik-pelikula ni Charo, isa ring dapat abangan ng manonood ang mapanghamong pagganap ni John Lloyd Cruz bilang trans prostitute na si Hollanda.

Sa isang panayam sa TV Patrol, inilarawan ni John Lloyd ang kanyang karakter.

“Nagbibihis babae s’ya. Pero di siya ope­rada. Si Hollanda ay binago ng character ni Ma’am Charo sa story,” sambit ni John Lloyd.

Binalikan ni John Lloyd ang kanyang Venice film fest experience at binahagi ang emosyonal na sandali.

“I was trying my best na hindi pumatak ang luha ko. Pero I can’t help but be really emotional,” pahayag ni John Lloyd.

“For me, it’s a defi­ning moment for Philippine cinema. Nilapitan din kami ng jury sa after party at sinabi how the film affected them.”