CHALLENGE para sa comebacking actress na si Ms. Charo Santos-Concio ‘yung transformation ng karakter niyang si Horacia sa Golden Lion winner for Best Film ng 2016 Venice Filmfest na Ang Babaeng Humayo.
Masayang kuwento ni Ma’am Charo sa presscon ng pelikula kahapon, doon siya pinakaninerbiyos nang sabihin sa kanya ni Direk Lav Diaz na magiging tomboy siya sa gabi.
Napatanong siya kay Direk Lav ng, “Sigurado po ba kayo, ako ang kina-cast ninyo?”
Kuwento niya, “Walang biro, I had that conversation with him. Mga third meeting yata ‘yon.
“‘Magdi-disguise ka rito, tomboy ka. Suot lalaki.’ Sabi ko, ‘Ah direk, are you sure you’re casting me?’ Ha! Ha! Ha!
“Sabi niya, ‘Eh, disguise nga, eh!’ Ha! Ha! Ha! ‘Disguise nga, magpapanggap nga, so hindi naman kailangan ganu’n ka, ‘di ba? Magpapanggap ka nga!’
“Ah, oo nga naman. May katwiran. Aaralin, aaralin.”
Pinagaya sa kanya ni Direk Lav ‘yung porma nito ‘pag nakaupo na hindi suwabe at makanto.
Bago sinimulan ang pelikula ay nag-workshop si Ma’am Charo kay Malou de Guzman. Isa ‘yon sa inaral niya, kung paano niya ilalagay ‘yung weight niya sa kanyang core, para mukhang lalaki ang upo niya at hindi model-model ang dating.
Hindi beauty queen ang dating.
Sinabi niya rin kay Direk Lav na ‘pag pumilantik na ang daliri niya ay i-cut siya nito. Sa awa ng Diyos ay okey sa premyadong direktor ‘yung ginawa niya roon sa tomboy part.
Aminado ang mahusay na aktres at dating ABS-CBN President na sa umpisa ay meron siyang apprehension, pero after a while ay nasanay na siya.
Kapag araw-araw na itong ginagawa, naka-costume ka na, kasama na ang context ng eksena at suportado na ng mga linya, medyo maisasabuhay mo talaga ito.
Request ni Ma’am Charo kay Direk Lav na sa kanyang hometown na lang sa Mindoro sila mag-shoot ng nasabing pelikula.
Nang usisain namin kung nakiusap din ba siya sa acclaimed filmmaker na kilala sa mahahaba nitong pelikula na iksian lang ang movie, ang sagot sa amin ni Ma’am Charo, tinanong niya lang ito ng, “Direk, anong running time natin?”
Ang sagot nito sa kanya ay, “It will not be more than 4 hours.”
By Lav Diaz’s standard ay maiksi na ‘yung 228 minutes o almost 4 hours na running time ng Ang Babaeng Humayo.
***
May mga bayolente ang reaksyon nang lumabas ang balita na ang napili ng Film Academy of the Philippines para maging aspiring entry ng Pilipinas sa Foreign Language Film category ng Academy Awards ay ang Ma’ Rosa ni Brillante Mendoza sa halip na ang Golden Lion winner na obra ni Lav Diaz.
Maraming nanghinayang dahil may foreign critics na nagsasabing may Oscar buzz ang pelikula at si Ma’am Charo bilang Best Actress, tapos heto’t hindi sila nabigyan ng pagkakataon at ibang pelikula ang pinadala natin sa Oscars.
Anong pakiramdam doon ni Ma’am Charo?
“Syempre, it would have been great if our film was chosen, ‘di ba? Pero iba-iba ang panlasa ng tao eh, ‘di ba?
“Iba-iba ang panlasa natin and you accept that. Kung hindi napapanahon, hindi napapanahon.
“May pagka-philosophical kasi ang pagtingin ko sa buhay, eh. Kung nauukol, eh ‘di okey. Kung hindi naman, just go with the flow and move on.
“We shoud all just be happy for Ma’ Rosa,” ang buong pagpapakumbabang sagot ng batikang aktres.
Ayon sa head ng Cinema One Originals at isa sa producers ng pelikula na si Ronal Arguelles, puwedeng maging eligible ang The Woman Who Left sa Oscars 2017 kung magkakaroon ito ng regular theatrical screening sa Amerika.
At kung maipapalabas ito roon ay puwede silang magkaroon ng sarili nilang Oscar campaign.
Ayon kay Ronald, sa ngayon ay wala pa silang tiyak na theatrical release sa US, pero may kausap na sila at kinukulit na rin niya ang mga ito tungkol doon.
As in tinatrabaho na ng grupo ng Sine Olivia ni Direk Lav at ng Cinema One ang US screenings ng Ang Babaeng Humayo at sana ay totoo ang nasabing Oscar buzz at mapansin doon ang pelikula at ang acclaimed performance ni Ma’am Charo.
Sa September 28 ang showing sa mga sinehan sa Pilipinas ng Ang Babaeng Humayo distributed by Star Cinema.