Ibababa man sa General Community Quarantine (GCQ) ang modified Enhanced Community Quarantine ngayong Hunyo 1, maghihigpit pa rin at magsasagawa ng mga checkpoints sa bawat border o hangganan at lagusan ng Metro Manila.

Sa virtual presser ng Philippine National Police (PNP) kahapon, ipinaliwanag ni PNP Director for Operations Police Major General Emmanuel Licup na kailangang manatili ang mga Border Checkpoints upang i-check ng mga pulis kung sumusunod ang mga pasahero ng mga sasakyan sa mga health protocols gaya ng social distancing at pagsusuot ng face mask.

Ang mga maari lamang tanggalin ay ang mga checkpoint na nasa mga komunidad pero depende din umano ito sa desisyon ng mga Commanders on the Ground.

“Ang mga checkpoints nasa borders ng metro manila ay hindi po natin tatanggalin,” paliwanag ni Licup.

Sinabi pa ni Licup, na kung makita ng mga pulis na nagkaka-traffic na sa mga control points ay saka sila mag-adjust upang mapabilis ang daloy ng mga sasakyan.

Madadagdagan din umano ang mga lugar na babantayan ng mga pulis sa susunod na Linggo dahil sa unti unti nang pagbubukas ng mga Industriya.

Kasama na sa kanilang babantayan ay ang mga commercial area at mga malls.(Edwin Balasa)