Checkpoint tinakasan: Mag-ama buwis buhay sa alak

Patay ang isang dating pulis habang arestado naman ang anak niyang criminology student matapos na takasan ang quarantine checkpoint habang may dalang kahon-kahong alak sa Quezon City, Martes ng umaga.

Ang napatay ay nakilalang si Joselito Delos Santos, dating nakatalaga sa Regional Personnel Holding and Accounting Unit ng Philippine National Police habang naaresto naman ang anak niyang si Jason Delos Santos, 24.

Nagkaroon pa umano ng habulan at putukan na umabot sa C5 Road South bound sa bahagi ng Brgy. Ugong, Pasig City, na nagresulta sa pagkakapatay sa dating pulis dakong alas- 7:45 ng umaga.

Sa inisyal na report, nagsasagawa ng checkpoint sa Circulo Verde, Brgy. Bagong Bayan, ang mga pulis ng Eastwood Police Station 12 ng Quezon City Police District (QCPD) sa pamumuno ni PLt Mark Manuel, nang parahin ang green Delica Van na may plakang Mo. XCV 512 .

Subalit sa halip na huminto ay pinaharurot pa ni Joselito ang minamaneong van kaya hinabol ito ng mga operatiba ng Eastwood Police, hanggang tumama ang sasakyan ng dating pulis sa center island.

Doon ay nagkaputukan umano ng baril at nasapol ang dating pulis. Naisugod pa si Joselito sa Rizal Medical Center subalit binawian ito ng buhay.

Isang pulis ang nasugatan sa insidente at nadala naman sa pagamutan.

Nasamsam sa sasakyan ng dating pulis ang Taurus 9mm na may magazine at kahon-kahong alak. (Dolly Cabreza)