Checkpoints at gun ban suspended na

Tuluyan nang sinuspendi ang mga checkpoint at umiiral na Commission on Election (Comelec) gun ban sa buong bansa.

Ito ay matapos na matanggap ng Philippine National Police (PNP) ang official order mula sa Comelec na nagsasabing suspendihin ang lahat ng aktibidad na may kinalaman sa kinanselang Sangguniang Kabataan at barangay election.

Ayon kay Supt. Vimellee Madrid, PNP Deputy Spokesperson, matapos na ianunsyo ng Malacañang na naisabatas na ang postponement ng SK at barangay election ay itinigil na agad ang umiiral ng gun ban at checkpoint operation sa buong bansa.

Pero nagpapatuloy pa rin, aniya, ang anti-criminality checkpoints.

Samantala, korte naman umano ang magdedesisyon sa kaso ng 22 indibidwal na unang naaresto dahil sa paglabag sa Comelec gun ban.

Ang 22 indibidwal ay kinasuhan ng paglabag sa Omnibus Election Code at illegal possession of firearms.