Pinapurihan ni Senador Bam Aquino ang Commission on Higher Education (CHED) sa pangako na habulin ang mga state universities and colleges (SUC) na naniningil pa rin ng miscellaneous fees.
“Sa ating pag-iikot, nakakarinig tayo na maraming SUCs ang nangongolekta pa rin ng miscellaneous fees kahit mayroon nang batas na nagbabawal dito,” saad ni Aquino.
“Natutuwa tayo sa pagkilos ng CHED na habulin ang mga SUC na lumalabag sa batas na dapat sana’y napakikinabangan na nang buo ng ating mga estudyante,” dagdag pa ng senador.
Bago rito, nangako si CHED chairperson Prospero de Vera na hahabulin ang mga SUC na naniningil ng bayarin na saklaw na ng batas sa libreng kolehiyo.
Batay sa batas sa libreng kolehiyo, libre ang tuition at iba miscellaneous fees, tulad ng library, computer, laboratory, school ID, athletic, admission, development, handbook, guidance, entrance, registration, medical, dental at cultural fees para sa mga estudyante ng SUC.
“Dapat matupad ang intensiyon ng batas na hindi na dapat naglalabas ng kahit isang sentimo ang mga magulang at estudyante para sa tuition at miscellaneous,” giit ni Sen. Bam. (Dang Samson-Garcia/Lorraine Gamo)