Naghihintay ang Commission on Higher Edu­cation (CHED) ng opisyal na abiso mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) kaugnay sa isyu ng aktibong recruitment umano ng kilusang komunista sa mga State University and College sa bansa.

Sinabi ni Attorney Cinderella Jaro, Executive Director ng CHED, nabalitaan nila ang naging pahayag ng AFP at PNP subalit hindi sila maka­gawa ng aksiyon dahil walang opisyal na komunikasyon sa kanila ang militar at pulisya.

Kinikilala aniya ng CHED ang kalayaang pang-akademya at kalayaan sa pamamaha­yag ng mga estudyante kaya’t mahalagang magpaabot ng komunikasyon ang AFP at PNP.

“As of now po, wala naman pong official communication from AFP or from PNP as to those information that they have received that these state universities are somehow engaged in this plot,” ani Jaro.

Matatandaang inihayag ng mga opisyal ng AFP na nagsisilbing breeding ground ng New People’s Army ang mga state university sa pamamagitan ng aktibong recruitment ng mga ito sa mga estudyante.