Cheerleading crown binawi ng Arellano U Chiefs squad

Nakitaan ng suwabeng paggalaw ang Arellano University upang maibalik sa kanilang bakuran ang titulo matapos manaig sa NCAA Season 92 Cheerleading Competition kahapon sa Mall of Asia Arena.

Halos malinis ang kanilang stunts at nakaiwas sa maraming salto ang Chiefs Squad sapat para sikwatin ang 218 points at maagaw ang korona sa last year’s champion Perpetual Help na lumagapak sa second place.

Nakalikom ng 199.5 puntos ang Altas Perpsquad na may siyam na NCAA cheerdance titles.

“The team worked and prepared hard this year and they deserve it,” wika ni Arellano board ­representative Peter Cayco.

Tersero ang Mapua na may 191 points, kasunod ang San Beda (175), last year’s third placer Emilio­ Aguinaldo College (164.5), College of St. Benilde (156.5), Lyceum (143) at Jose Rizal University (141).

Nagkampeon ang Arellano noong 2015 habang first runner-up sila nu’ng nakaraang taon.

“Dinoble namin ‘yung ginawa namin two years ago, sabi ko ipakita niyo lahat ng kaya niyong gawin at makukuha natin ang panalo,” ani AU Chiefs Squad coach Lucky San Juan.

Hindi lumahok ang Letran ngayong season habang pangatlong sunod na taon ng lumiban ang San ­Sebastian College.