Cheng ibabandera ang La Salle vs Adamson

Cheng ibabandera ang La Salle vs Adamson

Salpukan sa second game ng UAAP Season 81 women’s volleyball tournament ngayon ang defending champions De La Salle University Lady Spi­kers at Adamson University Lady Falcons sa FilOil Flying V Centre sa San Juan City.

Sisikapin ng Lady Spikers na panatilihing malinis ang record sa 4:00 pm encounter sa Lady Falcons matapos panain ang Ateneo de Manila University Lady Eagles noong Linggo 25-14, 25-17, 16-25, 25-19.

Apat ang kumana ng double figures sa first win ng Taft-based squad sa pangunguna ni Desiree Cheng na may 13 points, May Luna at rookie Jolina dela Cruz may tig-11 points, at Aduke Ogunsanya na nagtala ng 10.

Tatangkain namang makuha ng mga balibolista ng San Marcelino ang unang panalo sa walong eskuwelahang liga.

Kinapos ang Lady Falcons kontra University of Santo Tomas Golden Tigresses sa huling salang 21-25, 21-25, 26-24, 26-24, 6-15.

Sisikapin nina Bern Flora, Eli Soyud at Chiara Permentilla na pigilan ang mga kampeon para makapasok sa win column.