Pinagulong ng Philippine Chess men’s team ang Scotland, 4-0 upang itarak ang 12 match points matapos ang 10th at penultimate round ng 42nd World Chess Olympiad sa Baku, Azerbaijan itong Martes. 
 
Pinisak ni Asia’s first Grandmaster Eugene Torre si FIDE Master Iain Gourlay sa board three para isulong ang kanyang total sa nine points mula sa eight wins at two draws. 
 
Pinaluhod nina GMs Julio Catalino Sadorra, John Paul Gomez at Rogelio Barcenilla, Jr. sina IM Andrew Meet, GM John Shaw at FM Neil Berry sa boards one, two at four para kumpletuhin ang panalo ng Pinoy woodpushers na kasalo sa 37th place papasok sa 11th at final round sa event na ipinatutupad ang 11-rounds Swiss system. 
 
Makakalaban ng Philippines ang Australia sa last round. 
 
Malaki ang tsansa ni 64-year-old Torre na makasungkit ng medal sa board three, kasalukuyan siyang nasa No. 5 na may performance rating na 2813. 
 
Mahigpit na karibal ni Torre ang dating teammate na si super GM Wesley So na ngayong ay dala ang bandera ng America. 
 
Nangunguna ang 22-year-old at tubong Imus, Cavite na si So sa nasabing board matapos ilista ang performance rating na 2883. 
 
Sina GM Rauf Mamedov ng host Azerbaijan, GM Ian Nepomniachtchi ng Russia at Hungarian GM Zoltan Almasi ang nasa Nos. 2 hanggang 4 ayon sa pagkakahilera. 

One Response