NI: GEL MANALO
Palaban pero may puso pa rin. Ito ang mga katangian ng abogado at warden na si Chief Inspector Wena Fe Dalagan ng San Juan City Jail Male ormitory na nakaharap ng ‘Walang Atrasan’ host na sina Armie Rico at Wil Postolero.
Nagsimulang pamunuan ni Warden Dalagan ang nasabing bilangguan noong Nobyembre 2019. Itinuring siyang ‘bituin ng mga preso’ dahil sa mga malikhain at makabuluhang proyekto na kanyang ipinatupad dito.
Bago napunta sa nasabing posisyon, naging tagapagsalita muna siya ng regional office ng Community Relationship Service. At kahit ilang buwan pa lang na pinamunuan ang San Juan City Jail ay tumanggap na ito ng parangal dahil sa pagiging zero contraband.
Ginawaran din si Warden Dalagan bilang isa sa Top 10 Best Female Warden sa buong National Capital Region.
Sa kabila nito, mapagpakumbaba pa rin si Warden Dalagan at nagpapasalamat sa pagkakataon na maipakita niya ang kanyang mga vision bilang opisyal ng ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
“Ito ang nag-inspire sa atin, o affirmation na bilang officer na medyo may magagawa naman pala tayo, nasa tamang landas na pala tayo. Na-inspire po ako lalo para ngayong taon ay mas lalo ko pang pag-igihin,” sabi ni Warden Dalagan.
Tulong ligal, pangkalusugan sa mga preso
Dahil abogado rin, mismong si Warden Dalagan ang tumitingin sa record ng mga PDL. Dito, tinutulungan ang mga preso na mapabilis ang proseso ng kanilang paglaya. Mayroon na umanong 18 bilanggo ang napalaya at naglilingkod sa kanilang pamayanan habang sumasailalim sa probation.
Bukod sa legal assistance, isinasaalang-alang din ni Warden Dalagan ang kalusugan ng mga preso, kaya naman agad itong naglatag ng mga hakbang para maiwasan ang mga sakit lalo pa sa gitna ng banta ng coronavirus disease 2019.
Nagsasagawa rin ng information drive hinggil sa programang pangkalusugan sa loob ng bilangguan. Gayundin ang mga health mission sa pakikipagtulungan ng San Juan City Health Department para mabigyang serbisyo ang mga PDL.
Kaayusan, kalinisan, kalikasan
Paano napanatili ni Warden Dalagan ang pagiging zero contraband ng San Juan City Jail?
Aniya, regular silang nagsasagawa ng mga greyhound operation kasama ang iba pang kaugnay na ahensya tulad ng Philippine National Police at Bureau of Fire Protection. Layunin nito na mapuksa ang iligal na droga sa mga bilangguan at masiguro na walang jail officer o sinuman sa kanilang hanay ang may koneksyon sa kalakaran ng iligal na droga.
Regular ding kinakausap ni Warden Dalagan ang mga opisyal na namamahala sa mga preso para malaman kung may mga problema o mga pangangailangan ang mga ito.
Dagdag niya, komunikasyon din ang susi para maging tahimik ang bilangguan. Pakikipag-ugnayan hindi lang sa mga preso ngunit maging sa mga bisita nila para maipaunawa ang mga polisiya na ipinatutupad.
Hindi lamang sa loob ng bilangguan aktibo ang pagkilos ni Warden Dalagan, kaisa rin kasi siya sa pag-aalaga sa kalikasan. Katunayan, pinangunahan niya ang tree planting activity ng San Juan City Jail Male Dormitory sa Las Piñas-Parañaque Critical Habitat and Ecotourism Area.
Sayawan, kantahan sa kulungan
Sinimulan din ni Warden Dalagan ang livelihood project ng mga preso na makapagbibigay ng iba pang oportunidad sa kanila kahit nasa loob ng bilangguan.
Siya rin mismo ang nagturo sa mga bilanggo ng limestone art na hindi lang nae-enjoy ng mga preso pero puwede rin nilang ibenta. Nakikipag-ugnayan din siya sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa mga pagsasanay tulad ng massage theraphy.
Hindi lang pangkabuhayan ang proyekto ni Warden Dalagan, dahil siya rin ang nasa likod ng pagkasa ng mga PDL sa ‘Tala’ challenge na nag-trend pa sa social media.
Sa activity area ng bilangguan, hataw sa pagsayaw ang mga PDL na naka-face paint para sa proteksyon din ng kanilang pagkakakilanlan.
Hindi rin nagpahuli si Warden Dalagan dahil ngayong buwan ng mga puso, nilunsad nila ang “Love is in the air: Song writing contest.”