CHIEFS BIYAHENG FINALS

ncaa-basketball-mapua

Pinasibat ni Jio “The Bus Driver” Jalalon ang Arellano University sa finals matapos sagasaan ang Mapua, 92-80, kahapon sa 92nd NCAA men’s basketball sa Mall of Asia Arena.

Hindi binitawan ni Jalalon ang manibela hanggang dulo, umiskor ng 10 sunod sa final 5 minutes sa fourth quarter para  biguin ang Cardinals.

Hawak ng Chiefs ang 89-78 bentahe bago sinel­yuhan ng 3-pointer ni Dioncee Holts ang panalo ng Arellano 29.5 seconds na lang sa orasan.

“Hindi mo ma-predict sino ang dominating sa first three quarters. They were there,” bulalas ni Chiefs coach Jerry ­Codiñera.

Naka-boundary si Jalalon ng 22 points, nine assists, eight rebounds at three steals, nag-ambag si Lervin Flores ng career-high 22 points, 10 rebounds, at three blocks.

Mas maaga pang natapos ang season ni CJ Isit ng Cards nang maputukan sa kaliwang kilay nang abutin ng siko ni Holts. Sa third, tinangkang mag-steal ni Isit nang tamaan sa mukha, duguang inilabas at hindi na bumalik.

Nangalabaw si reigning MVP Allwell Oraeme ng 20 points, 24 rebounds at four blocks pero hindi sumapat para itaguyod ang Cardinals.

Ipapasada ni Jalalon ang Arellano sa Finals kontra sa mananalo sa pagitan ng San Beda at Perpetual Help na maglalaro ng do-or-die sa Martes.

Nakahirit ng rubber match ang Altas matapos talunin ang Red Lions, 87-83, sa unang laro.

Bumida sa Perpetual Help si Gab Dagangon matapos isalpak ang go-ahead basket 19.7 seconds na lang sa laro.

Tumipa si Dagangon ng 27 points, may 15 points at 11 rebounds si Nigerian Bright Akhuetie­.