Child abuse sa Facebook talamak –Hontiveros

Nanawagan si Senador Risa Hontiveros sa National Bureau of Investigation (NBI) para ipatigil ang diumano’y child exploitation na talamak at malayang nagaganap sa Facebook.

Ito matapos makarating sa tanggapan ng Senado kaugnay ng isang Facebook page na may pangalang `Mahilig sa Bata’ na naglalaman ng mga malalaswang litrato ng mga kabataang babae .

“Nakarating sa opisina ko na mayroong mga Facebook pages kung saan naka-post ang napakaraming mahahalay na larawan ng mga babaeng bata. Matagal na ang mga Facebook page na ito ngunit active pa rin daw ang mga posts at groups,” sabi ni Hontiveros sa kanyang liham sa NBI.

“Isa pa sa nakita namin ang Facebook page na may pangalang `Mahilig sa Bata’. Napakasakit makita ang mga ito, lalo na para sa akin bilang isang ina at babae,” dagdag pa ng senador.

Ngayong COVID-19 pandemic, sinabi ni Hontiveros na maaring lalo pang dumami ang kaso ng online sexual exploitation ng mga bata.

“Nananawagan ako sa Bureau na imbestigahan at agarang i-take down ang mga Facebook pages na ito. Kailangan malaman din ng NBI kung sino-sino ang mga taong nagpapatakbo nito,” panawagan ng senador.

“Kailangang panagutin at ipakulong ang mga kriminal na nasa likod ng mga Facebook pages at online content na ito,” sambit pa nito.

Ayon pa kay Hontiveros, dapat managot din ang pamunuan ng Facebook dahil talamak ng child abuse sa kanilang media platform.

“Facebook also needs to be made accountable for these pages. The tech giant, with all its resources, should have technologies and mechanisms in place that prevent these kinds of pages from existing,” ani Hontiveros.

“Sobrang nakakabahala na hanggang ngayon, may mga ganito paring nangyayari sa platform na ito,” wika pa nito

“Kailangan nating protektahan ang online space bilang mga safe spaces. We need to make sure that our children are safe online, lalo na ngayong mas marami ang oras na ginugugol nila sa social media,” ayon pa sa senadora.

Sa pinakahuling ulat, inalis na ang nasabing sa FB page bagamat may isa pang group page na may katulad na tema na inireklamo din at ito ay ang `Samahan ng Mahilig sa Bata’ na may 1,300 miyembro. (Dindo Matining)