China, absent?

Bernard Taguinod For the Record

Kung magro-roll call ang Pilipinas sa mga bansang inaasahan na tutulong para madurog na ang Maute at Abu Sayyaf Group sa Marawi City, absent pa rin ang China.

Tumutulong na ang United States (US) kaya mayroon na silang special forces na naka-deploy sa Marawi City para matunton ang mga lugar na pinagtataguan pa rin ng mga terorista.

Tumugon na rin sa roll call ang Indonesia at Malaysia dahil tumutulong na sila sa pagbabantay sa karagatan na napapamagitan sa kanila sa Pilipinas para hindi makapasok ang dayuhang Islamic States (IS) fighters at hindi makatakas ang mga local terrorist sa pamamagitan ng karagatan.

At noong isang araw, tumulong na rin ang Australia dahil nagpadala na rin sila ng mga spy plane para matulungan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa isinasagawang operasyon laban sa Maute Group at Abu Sayyaf Group.

Eto ang mga kaibigang tunay ng Pilipinas handang tumulong sa oras ng kagipitan pero nasaan ang China na kinakaibigan ni Pangulong Rodrigo Duterte? Isang buwan na ang problema sa Marawi City absent pa rin?

Kahit paramdam ay wala tayong naririnig sa China kaya dapat i-assess ng Mahal na Pangulo kung talagang kaibigan ba talaga niya ang China kasi kung kaibigan niya ang bansang ito, kahit papaano ay mag-aalok ng tulong.

Mas nauna pang tumulong ang Amerika na kahit inaaway ng Mahal na Pangulo dahil sa pakikiaalam daw nila sa kampanya laban sa ilegal na droga. Pero ang China, source ng droga.

Sabi ng mga matatanda, makikilala mo raw ang mga tunay mong kaibigan sa oras ng kagipitan, makikilala mo ang tunay na kaibigan sa oras ng problema. Nan­dyan sila kahit hindi mo sila hinihingan ng tulong.

Eto ang nangyayari ngayon sa Marawi City,… ang China na itinuturing na kaibigan ng Mahal na Pangulo ay wala sa oras ng kanyang problema, hindi simpleng problema kundi napakalaking problema.

***

Hindi lang pala mga ordinaryong produkto na itinatambak ng China sa Pilipinas ang depektibo dahil maging ang biniling mga fire trucks sa bansang ito noong 2015 ay mga depektibo.

Akala ko ang mga cellphone chargers, mga Christmas lights, at iba pa na galing sa China kapag isinaksak mo sa outlet ay hindi nagtatagal at sumasabog, ang mga depektibo.

Pati ‘yung may 176 sa 469 fire trucks na binili ng Pilipinas noong 2015 na nagkakahalaga ng P2.677 billion ay depektibo din base sa report ng Commission on Audit (COA).

‘Di ba kung kaibigan mo hindi mo lolokohin at hindi mo bebentahan ng depektibo baka ‘yan pa ang maging dahilan para mapahamak ang kaibigan mo? Hindi ‘yan ang ugali ng China.

‘Yung mga bagon na binili ng gobyerno sa China para sa Metro Rail Transit (MRT), hindi rin magamit dahil hindi tugma sa sistema ng MRT 3. ‘Yung North Rail project na ibinigay sa China walang nangyari. (dpa_btaguinod@yahoo.com)