Hindi umano mapipilit ng gobyerno ng Pilipinas ang China na puma­yag na magkaroon ng third party na mag-iimbestiga sa Recto Bank incident kaugnay sa ginawang pagbangga ng isang Chinese vessel sa bangkang sinasakyan ng 22 mangi­ngisdang Pilipino.

Ayon kay Justice Secretary Menar­do Guevarra, walang magagawa ang gobyerno kung ayaw ng China ang third-party investigation sa insidente.

Naniniwala naman si Guevarra na kung mayroong hindi mapapagkasunduan sa findings maaari naman magkaroon ng negosasyon ang magkabilang panig hanggang magkaroon ng kasunduan.

“I think the two parties will exert all efforts to reach a consensus and a satisfactory resolution to this issue,” ayon kay Guevarra.

Una nang sinabi ng Malacañang na tinanggihan ng China ang pagkakaroon ng third party sa imbestigasyon.

Nabatid na ipinanukala na rin ni Guevarra sa gabinete na magsagawa ng joint Philippine-China investigation gayunman, tinutulan umano ito ng ilang opisyal. (Juliet de Loza-Cudia)