China OFW na may sintomas ng virus ‘di makakauwi

Hindi umano isasama pabalik sa Pilipinas ang mga overseas Filipino worker (OFW) sa China na makikitaan ng mala-trangkasong sintomas dahil na rin sa pinanga­ngambahang pagkalat ng 2019 novel coronavirus sa bansa.

Nabatid na may 12,000 Pinoy ang nasa mainland China at 300 ang nagtatrabaho sa Hubei province na ini-lockdown simula pa noong Enero para mapigilan ang pagkalat ng nCoV.

Gayunman, 56 Pinoy lamang ang napag-alaman na nagpahayag ng kahandaang umuwi ng bansa.

“Ang policy is hindi na isasama ‘yung mga may flu-like symptoms. We will repatriate the asymptomatic ones kaya me­ron ulit thermal scanning and medical assessment just before boar­ding the plane,” sabi ni Gloria Balboa, director ng Department of Health-Emergency Management Bureau (DOH-EMB).

Inaasahang darating ang mga OFW galing China ngayong Linggo nang umaga at ididiretso sila sa Athletes Village sa New Clark City na magsisilbing quarantine area.

Sinabi pa ni Balboa na magiging mabilis ang pagkuha sa mga Pinoy sa China na iuuwi sa Pilipinas.

Samantala, umakyat na sa 724 katao ang nasawi dahil sa nCoV outbreak sa China habang nasa 34,546 kaso ng infected ang naitala.

Sa Pilipinas, inihayag ng DOH na umakyat na sa 267 ang mga person under investigation (PUI) at karamihan dito ay mula sa Metro Manila na u­mabot sa 103 ang PUI.

Nabatid naman kay Health Secretary Francisco Duque III kahapon na nailibing na ang mga labi ng Chinese na nasawi sa Pilipinas dahil sa nCoV. (Juliet de Loza-Cudia)