Chinese, 1 pa dedbol sa P244M Paranaque buy-bust

Bulagta ang isang Chinese at isang Pinoy na sinasabing mga big time drug pusher matapos manlaban sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya kung saan aabot sa 36 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit sa P244 milyon ang nasamsam Sabado ng hapon sa Paranaque City.

Dead on the spot ang mga suspek na sina Jin Long Cai, isang Chinese national, at Danny Apiga, dahil sa tinamong mga bala sa katawan matapos makipagpalitan ng putok sa awtoridad.

Ayon kay Police Brig Genenral Romeo Caramat, hepe ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG), alas-4:30 ng hapon nang isagawa ang buy-bust operation sa Uniwide Coastal Mall sa Diosdado Macapagal Blvd sa Paranaque City.

Lulan ng grey na KIA Sedan ang mga suspek nang makipagkita sa poseur buyer sa nasabing lugar subalit pinaniniwalaang nakahalata ang mga ito na pulis ang kanilang katransaksyon dahilan upang paputukan nila ang poseur buyer.

Gumanti naman ng putok ang mga pulis na agarang ikinamatay ng dalawa sa loob mismo ng sinasakyang kotse.

Nakuha sa loob ng sasakyan ang 36 pakete na may Chinese seal at dalawang kalibre .45 baril.

Ito na ang ikalawang sunod na matagumpay na operasyon ng PNP-DEG matapos ang kanilang pagsalakay sa isang bahay na ginawang imbakan ng shabu sa Marilao, Bulacan nitong Biyernes kung saan aabot sa 756 kilo ng shabu na nagkakahalagang P5.1 bilyon ang nasamsam dito. (Edwin Balasa)