Inaresto ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang Chinese at dalawang Pinoy matapos makumpiskahan ng sampung kilo ng iligal na droga na nagkakahalaga ng P68 milyon sa Quezon City nitong Martes ng hapon.
Kinilala ang mga nadakip na sina Liu Fiu Giuy, Chinese national at dalawang Pinoy na sina Keith Anthony Romo at Nonito Garlino.
Sa inisyal na report ni PDEA-NCR Director Joel Plaza, naaresto ang mga nasabing drug personalities dakong alas-5:30 ng hapon (October 8) sa ikinasang buy-bust operation sa kanto ng Sta. Catalina at Sto. Domingo sa Brgy. Sienna, QC.
Aniya, dalawang kulay maroon na Sedan ang ginamit ng mga suspect sa pakikipagtransaksyon sa mga tumayong buyer ng PDEA.
Nakasilid pa sa plastic ng tsaa ang 10 kilo ng shabu nang makumpiska sa buy-bust operation.
Nakapiit na sa tanggapan ng PDEA ang mga suspek habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanila.