Kalaboso ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang Chinese national sa Binondo, Maynila dahil sa diumano’y pagbebenta ng pekeng gamot sa coronavirus disease (COVID-19).

Nakuha sa suspek na si Jianchuan Shi, ang 34 na kahon ng diumano’y gamot na aabot sa P3 milyon, ayon sa NBI Anti-Organized and Transnational Crimes Division (AOTCD).

Hindi tinukoy ng suspek kung saan kinuha ang mga gamot diumano sa COVID-19, pero nang suriin ang mga transaksyon nito sa cellphone, natuklasan na nagbebenta ito ng gamot galing China para sa mga nagpositibo sa virus.

Ayon kay NBI-AOTCD chief Joel Tovera, sinasabing target ng suspek ang kapwa nito Chinese at pinapangakuan na gumaling ang mga pasyente ng COVID-19 dahil sa nasabing gamot.

Nagbabala ang opisyal na hindi dumaan sa tamang pagsusuri ng Food and Drug Administration ang mga gamot na ito at posibleng makasama sa kalusugan ng taong iinom.

Huwag din umanong maniwala sa pagsasamantala ng ilang indibidwal ngayong humaharap ang bansa sa pandemic.

Nang suriin pa ang mga kahon, nakita na posible umanong dumaan ito sa airport kaya mag-iimbestiga rin umano kung paano ito naipasok sa bansa.