Buking ang operasyon ng isang Chinese Clinic sa Makati City na tumatanggap diumano ng mga pasyenteng may COVID-19 kahit na walang lisensya mula sa Department of Health (DOH), nang salakayin ng pulisya kahapon.

Ayon sa Makati Police, dakong alas-tres ng hapon nang salakayin ang Goldstar Medical Clinic and Pharmacy Corp. sa Sampaloc Street, Brgy. San Antonio nang makatanggap ng impormasyon na tumatanggap ito ng mga pasyente na may COVID-19 at nagkakaroon ng pagbara sa drainage sa gusali dahil sa mga nakabarang hospital product.

Nahuli sa operasyon ang isang Chinese doctor na diumano’y walang lisensya para mag-practice ng medisina sa Pilipinas at assistant nito.

Bukod sa kanila, apat na Chinese pa na pinaniniwalaang pasyente sa clinic ang dinala sa health office para masuri ang kondisyon ng kalusugan.

Wala umanong business permit at hindi rin accredited ng DOH ang clinic para magsagawa ng COVID-19 testing.

Nasamsam sa clinic ang iba’t ibang gamot na may Chinese label at mga testing kit.

Nagbabala ang awtoridad sa negatibong epekto ng mga iligal na ospital o klinika tulad nito dahil sa banta sa kalusugan na maaaring makuha mula rito.