Chinese company sa Davao project kuwestyunable

Sa laki ng lupain ng Davao City, hindi lubos maisip­ ng ilang Juan dela Cruz kung bakit kailangan pang magsa­gawa ng land reclamation project para lang makapagpatayo ng government buildings, commercial building, pantalan at iba pa. At sa dinami-dami ng kumpanya sa Pilipinas, isang kumpanya pa sa ­Tsina ang gagawa raw ng proyekto.

Pero hindi rito nagtatapos ang kuwento. Paano kung ang kumpanyang gagawa ng proyekto ay sangkot umano sa pagnanakaw ng teritoryo ng Pilipinas?

Ito ang labis na ikinakabahala ni dating ­Parañaque City Rep. Roilo Golez, dating National Security­ ­Adviser at graduate ng United States Naval Academy­ sa Annapolis. Kaya nga, gustong ipaberipika ni Golez sa gobyerno kung ang kumpanyang magsasagawa ng land reclamation sa Davao City ay ang kumpanyang gumawa ng artificial island sa Mischief Reef.

“The government should verify if this company was or even now involved in reclamation work in Mischief Reef in violation of the Philippine Constitution­ that prohibits non Filipino citizens from using and ­enjoying the marine wealth inside our Exclusive Economic Zone or EEZ. Mischief Reef is part of our EEZ. We should not hire a company that violated our ­Constitution and our EEZ,” giit ni Golez.

Base sa lumabas na artikulo sa Beijing Youth Daily, isang Chinese state-owned infrastructure company na siyang tumulong sa pagtatayo ng artificial island sa disputed area ng South China Sea ang siyang nakakuha raw ng deal para sa land reclamation project sa Davao City.

Ang CCCC Dredging, isang subsidiary ng ­China Communications Construction Company, ang siyang gagawa ng 208 ektaryang land reclamation project sa Davao City. Kasama rin umano sa nabigyan ng kontrata ang isang subsidiary ng CCCC — ang China­ Road and Bridge Corporation na “blacklisted” ng World Bank (WB) dahil sa umano’y “collusive practices” sa lokal na proyekto nito.

Ang proyekto sa pagitan ng Chinese firm at ng Mega Harbour Port and Development ay kabilang sa mga naikasang trade and business deals, na nagkakahalaga ng US$13.5 bilyon, at isinapinal sa pagbisita ni Pangulong Duterte sa China noong nakaraang linggo.

Napakalungkot isipin kung totoo ang balitang ito. Minsan na tayong naisahan ng mga Chinese nang magtayo ng artificial island sa West Philippine Sea (WPS), aba’y muli pa tayong iisahan sa pagbibigay ng kontrata sa kumpanyang tumulong sa pang-aagaw ng teritoryo ng Pilipinas. Change is coming na nga!

***

Naikuwento minsan sa atin ni dating Muntinlupa City Rep. Rodolfo Biazon ang isang kontratang pinasok ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-­Arroyo sa China. Ito ‘yung Northrail project na nabalutan ng kontrobersiya dahil sa sinasabing mga opisyal na bumulsa sa proyekto. Ito ‘yung 21 kilometrong railway pro­ject mula sa Caloocan City patungong Malolos, Bulacan.

Humiram ang administrasyong Arroyo sa China ng US$503 milyon pero bago tayo pautangin, kailangan munang magkaroon ng kontrata between government of the Republic of the Philippines at ng Chinese ­Machinery Corp. Ang gusto nila, walang bidding at hindi tayo pahihiramin kung hindi pipirma ng kontrata.

Kung magkakaroon ng dispute, mapupunta ang kaso sa Chinese court. Nawindang si Biazon sa naka­lagay sa kontrata na kapag natalo tayo sa korte ng ­China, magkakaroon sila ng karapatan na angkinin ang property ng Pilipinas sa alinmang panig ng mundo.

Wais talaga ang mga Chinese kaya hindi nakapagtataka na maraming mga business tycoon sa Pilipinas ay mga Filipino-Chinese.