Chinese dinukot ng kababayan dahil sa utang

Dalawang Chinese national ang inaresto matapos umano nilang dukutin at ikulong ang isa nilang kababayan dahil hindi umano nakabayad ng utang kamakalawa sa Parañaque City.

Nakakulong ngayon sa detention cell ng Parañaque City Police at kapwa nahaharap sa kasong Illegal Detention ang suspek na sina Li Xianxin at Xiao Quin, kapwa nasa hustong gulang.

Kinilala naman ang biktimang si Guantong Bao, isa ring Chinese.

Sa report ni Police Colonel Jojo Rosales, hepe ng Parañaque City, alas-
12:00 ng tanghali nang masakote ng kanyang mga tauhan ang mga suspek sa tollgate ng Bicutan, Skyway ng nabanggit na lungsod.

Bago ang pagkakaaresto, kuwento ng biktima sa mga pulis, dinukot at ikinulong umano siya sa isang subdivision sa Brgy. Don Bosco ng naturang lungsod nang hindi siya makabayad ng utang.

Natalo umano siya sa casino na ‘di nabanggit sa ulat at pinautang siya ng mga suspek ng chips na nagkakahalagang P50,000.00 para aniya makabawi siya sa kanyang pagkatalo.

Ayon pa sa pulisya, isang guwardiya ang nakapansin kay Bao na lumabas ng subdivision na nakaposas at half naked.

Bunga nito’y pinaghahanap na ng pulisya ang mga suspek at natunton ang mga ito na umaaligid-aligid sa isang subdivision ng Brgy. Don Bosco.

Hinarang ng mga pulis at sekyu ang mga papatakas na suspek na sakay sa Hyundai Tucson at nagkaroon ng habulan.

Nasakote ang mga suspek sa tollgate ng Skyway at na-rescue naman ang biktima. (Armida Rico)