Mayroong probable cause para sampahan ng mga kasong kriminal ang isang Chinese drug lord na naaresto at nakumpiskahan ng P100 milyong halaga ng shabu ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency at Police Regional Office 3 sa Pampanga noong Agosto 5.
Sa ipinalabas na pitong pahinang resolusyon na isinulat nina Senior State Prosecutor Juan Pedro Navera at Senior Deputy State Prosecutor Miguel Guido Jr., na inaprubahan ni Prosecutor General Claro Arellano, idiniin ang akusadong si Yiye Chen, 42-anyos, sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sinabi ng prosecutors na may nakitang probable cause laban kay Chen para sampahan ito ng kaso sa Angeles Regional Trial Court.
Si Chen na miyembro umano ng transnational syndicate ay naaresto ng mga awtoridad sa bisa ng search warrant na inisyu ni Quezon City Regional Trial Court First Vice Executive Judge Bernelito Fernandez.
Umabot sa 30 kilo ng shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad sa bahay nito sa Hensonville Subdivision, Brgy. Malabanias, Angeles City, Pampanga.