Tatlong Chinese national ang naaresto ng mga alagad ng batas makaraang dukutin, bugbugin at ikulong sa loob ng apat na araw ang isa nilang kababayan sa Okada Manila, isang casino hotel sa Aseana Avenue, Brgy. Tambo, Parañaque City.
Sa isinumiteng report ni Sr. Supt. Victor Rosete, hepe ng Parañaque Police, kinilala ang mga suspek na sina Cheng Jing Nun, 32-anyos; Zhang Zhen Qing, 35-anyos; at Chuan Fang Li, 37-anyos, na pansamantalang nanunuluyan sa Room 1832 ng Okada Manila.
Ayon kay Rosete, dakong alas-12:30 ng tanghali nitong Martes nang ma-rescue ng mga pulis-Parañaque ang biktima na kinilalang si Dong Yun Hao, 28-anyos, sa tinutuluyang unit ng mga suspek.
Nabatid na nanunuluyan din sa Okada Manila ang biktima.
Base sa imbestigasyon, noong Abril 6, Biyernes ng madaling-araw habang palabas ng Okada Manila ang biktima nang dukutin ito ng mga suspek at dinala sa kanilang kuwarto.
Hanggang sa ini-report ng kaibigan ng biktima na hindi binanggit ang pangalan, na apat na araw nang nawawala ito.
Kalaunan ay nakatanggap ng tawag ang mga kaanak ng biktima mula sa mga suspek kung saan ay ipinatutubos ito ng P5 milyon at sa oras na maibigay ang nasabing halaga ay saka nila pakakawalan.
Dito na humingi ng tulong ang mga kamag-anak ng biktima sa mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek. Naabutan pa ng mga pulis ang biktima na hubad at bugbog-sarado.
Ayon kay Rosete, may utang ang biktima sa tatlong kababayan na mga financier sa casino at nang hindi makapagbayad ay dinukot ito at ipinatubos sa mga kamag-anak.
Isasampa ng pulisya ang mga kasong serious illegal detention at serious physical injuries sa Parañaque Prosecutor’s Office laban sa mga suspek.