Dinampot ng Bureau of Immigration (BI) ang Tsino na nandura sa isang police officer na sumita kamakailan sa Maynila dahil sa paglabag sa batas-trapiko.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, ikinulong si Zhou Zhiyi, 50, dahil sa paglabag sa Philippine Immigration law matapos itong makapagpiyansa sa kanyang paglabag sa batas trapiko.
Sinabi ni BI acting intelligence chief Fortunato Manahan Jr., si Zhiyi, pinayagang pumasok ng Pilipinas bilang turista sa loob ng 30-araw noong Nobyembre. Ngunit nang siyasatin ang kanyang mga dokumento, overstaying na ito.
Kasabay nito, kinasuhan ang dayuhan ng overstaying at pagiging undesirable alien.
Unang hinuli ang suspek nang tumangging itigil ang sasakyan nito nang pigilan ng mga traffic enforcer dahil sa paglabag sa number coding.
Nang mahuli, dinuraan niya sa mukha ang police officer na ikinaaresto nito at mahulihan pa ng shabu sa kanyang sasakyan. (Mina Aquino)