Humantong sa kulungan ang isang Chinese national na inaresto makaraang magwala at pagtatadyakan ang isang babaeng kostumer ng isang resto bar sa Las Piñas City kamakalawa ng gabi.
Sa loob ng selda sinalubong ang Bagong Taon ng suspek na kinilalang si Wen Hong Tao, 21-anyos, na nahaharap sa mga kasong physical injury at alarm and scandal.
Base sa pahayag ng biktimang si Jenny Rose Batain, 25-anyos, bandang alas-11:00 ng gabi nang mangyari ang insidente sa Cowboy Grill na matatagpuan sa Alabang-Zapote Road.
Ayon kay Las Piñas City Police chief Sr. Supt. Simnar Gran, lumalabas sa imbestigasyon na palakad-lakad na lasing ang suspek nang makita nito ang grupo ni Batain na nag-iinuman din sa naturang bar at pinagsisigawan ito nang walang dahilan.
Hanggang sa tuluyan nang nagwala ang suspek at doon na ito naghuramentado saka pinagtatadyakan ang biktima.
Agad namang tumawag ng mga pulis ang pamunuan ng resto bar kaya naaresto ang dayuhan na noo’y lasing na lasing.
Nabatid na regular costumer ang suspek sa nasabing resto bar. (Armida Rico)