Chinese nasakote sa 802M ‘tsaa-bu’

Arestado ang isang Chinese national nang makumpiskahan ng P802 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Quezon City, noong Martes.

Ayon kay PDEA-NCR Regional Special Enforcement Team Leader Lorenzo Advincula Jr., dakong alas-dos ng madaling-araw nang maaresto ang suspek na nakilalang si Zhang Yunquan, 38, alyas ‘Francis,’ malapit sa tinutuluyan nito sa Brgy. Sienna.

Sinabi ni Advincula na halos isang buwan muna nilang tiniktikan ang suspek at nang magpositibo ay saka sila nakipagtransaksiyon kung saan ay nakabili ang kanilang poseur buyer na marunong magsalita ng Chinese ng dalawang kilo ng droga mula kay Yunquan.

Nang aarestuhin na ang Chinese ay tumakbo ito pabalik sa kanyang bahay, at doon ay nakasamsam ang mga awtoridad ng nasa 118 kilo ng shabu pa, at tinatayang nagkakahalaga ng nasa P802 milyon na itinago sa kusina.

Ang mga nasamsam na shabu na nakasilid sa mga tea pack na may Chinese character ay hinihinalang mga imported dahil nakalagay ito sa mga lata ng biskwit na may tatak ng mga iba’t ibang bansa.

Nabatid na si Yunquan ay pabalik-balik ng Pilipinas mula sa China at ang huling balik nito sa bansa, batay na rin sa boarding pass nito mula sa isang airline company ay noong Setyembre 1.

Naisyuhan na rin umano ang suspek ng lehitimong driver’s license mula sa Land Transportation Office (LTO) noong 2017 at narekober mula sa kanya ang isang itim na Toyota Fortuner.

Inaalam na rin ng mga awtoridad kung anong grupo kaanib ang suspek na nakapiit na ngayon sa PDEA headquarters habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa piskalya. (Dolly Cabreza)