Sa takot ng publiko na mahawa ng 2019 novel coronavirus, hindi tinulungan ang isang umano’y lalaking Chinese national na natumba at nawalan ng malay kahapon ng hapon sa may kahabaan ng Remedios St. corner Taft Avenue sa Maynila.
Hindi nakatiis ang isang concerned citizen na si Zaldy Bao Maguigad at i-vinideo ang nakahandusay na Chinese national pero maging siya ay nagsuot ng face mask at dumistansiya ng malayo.
Tumawag umano sila sa Philippine Red Cross para kunin ang Chinese national pero sinabihan umano sila na walang ambulansiya.
Maging ang Ospital ng Maynila ay tumangging kunin ang lalaki at maging ang 191 police assistance at mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ay hindi kumilos.
Pasado alas-singko ng hapon naganap ang insidente sa nabanggit na lugar.
Sa halip na pagkalupumpunan ng mga usisero at usisera kapuna-puna na malinis ang kalsada at nilagyan pa ng kulay dilaw na police line para i-cordon ang lugar.
Matagal rin namalagi na nakabulagta ang naturang Chinese national hanggang kusa na lang itong bumangon at naglakad papalayo papunta sa ‘di matiyak na direksyon. (Juliet de Loza-Cudia)