Chinese patay sa bagong uri ng coronavirus

Kinumpirma ng mga awtoridad sa Wuhan, China ang unang kaso ng pagkamatay ng isang pasyente na tinamaan ng bagong uri ng coronavirus.

Batay sa ulat, isang 61-anyos na lalaki ang nasawi dahil sa nasabing sakit habang may pitong iba pa ang nasa kritikal na kondisyon.

Sinabi pa sa ulat ng Wuhan Municipal Health Commission na may 41 katao ang nakitaan ng mga sintomas ng bagong uri ng coronavirus pero dalawa sa mga ito ay nakalabas na ng ospital habang nasa mabuting kalagayan na umano ang iba pa.

Nabatid na ang nasawing lalaki ay palaging namimili sa seafood market sa Wuhan na pinaniniwalaang pinanggalingan ng bagong uri ng coronavirus.

Ang iba pang tinamaan ng bagong sakit na ito, ayon sa mga awtoridad ng Wuhan, ay mga nagtitinda at namimili rin sa seafood market.