Nailigtas ng mga awtoridad mula sa kamay ng mga abductor ang isang Chinese national makaraang pakawalan ang mga umano’y dumukot sa biktima sa bahagi ng Philippine International Convention Center (PICC) kahapon nang umaga.
Kinilala ni Police Major Wilfredo Sangel hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch ng Pasay City Police (SIDMB) ang biktimang si Wang Jie, nasa hustong gulang, tubong Ansgun City, Guizhu, China.
Sa imbestigasyon, una nang niyaya ang biktima ng kanyang dalawang kababayan at kaibigan para maglaro sa isang ‘di pa matukoy na casino.
Sa salaysay ng biktima sa pamamagitan ng isang interpreter, lingid sa kanyang kaalaman ay nangutang ang kanyang dalawang kaibigan sa isang grupo ng umano’y Chinese ng tinatayang kalahating milyong piso na ipinanlaro sa casino.
Ngunit minalas umano at natalo ang kanyang kasama at dito ay ginawa itong kolateral at iniwan sa pag-aakalag babalikan ang biktima ng kanyang mga kaibigan. Gayunman sumapit ang umaga pero hindi na ito binalikan at dito ay binugbog ng grupo ng mga Chinese na inutangan ng kanyang mga kaibigan at dinukot umano siya.
Bandang alas-otso nang umaga ay isinakay siya sa ‘di natukoy na sasakyan at ibinababa sa lugar kung saan siya natagpuan sa Cultrural Center of the Philippines (CCP) Complex sa Pasay City.
Nanghihina pa ang biktima at may mga pasa nang matagpuan ng pulisya.
Nakatakdang i-turn over ng Pasay City Police ang biktima sa Chinese Consulate at ilathala ang nangyari sa kanya.
Ayon pa sa biktima, 5-araw siyang kinulong sa hindi niya mabatid na lugar.
Dumating ang bikitma sa Pilipinas nitong Hunyo 17 upang magtrabaho sa isang online gaming casino gamit lamang umano ang isang tourist visa. (Armida Rico)