Pinatigil ng pamahalaang lungsod ng Parañaque City ang konstruksyon ng mga apartment building sa loob ng Multinational Village na gagawin umanong tirahan ng mga Chinese national na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) worker na inireklamo ng homeowners association ng naturang subdivision.

Ayon kay Engineer Mel Marquez, tagapagsalita ng grupong ‘We Love Multi’, nakarating na sa kaalaman ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang kanilang reklamo pati na ang iba pang mga naninirahan sa village kaugnay sa napakaraming bilang ng mga Chinese national na nakatira ngayon sa lugar na posibleng ma­ging banta sa epidemyang ng coronavirus na kinatatakutan ngayon na mula sa China.

Sa panayam ng Abante Tonite kay Marquez, nag­labas na umano ng kautusan si Mayor Olivarez sa pamamagitan ni City Administrator Fernando ‘Ding’ Soriano na nagpapahinto sa konstruksyon ng mga gusali na pinapatayo umano ng mga Chinese national upang maging permanenteng tirahan nga mga POGO worker.

Nagpaskil na umano ng babala ng stop of construction ang munisipyo sa lugar.

Sa kasalukuyan aniya, may ilang mga residente ang nagpasyang linasanin na at paupaan na lang ang kanilang mga bahay. Marami umanong mga lote ngayon ang inokupa para sa mga ginagawang apartment building.
Napapaupahan umano ang mga bahay ng 250,000 hanggang P450,000 kada buwan base sa laki ng lugar.

Inatasan na ni Mayor Olivarez ang pulisya na bantayan at hulihin ang mga lalabag sa kanyang kautusan kaugnay sa pagpapahinto ng konstruksyon ng mga gusali.

Pahayag pa ni Marquez na ang dati nilang tahimik na subdivision ay naging maingay ngayon at magulo dahil sa mga sandamakmak na mga Chinese.

“Hindi na mga Pilipino ang naninirahan dito na­haluhan na kami ng mga dayuhan. Natatakot na kami dahil diyan sa virus lalo na ang mga bata ang magi­ging kawawa dito”.

Nagtataka rin si Marquez kung bakit nagpapatuloy pa rin ang konstruksyon ng mga gusali gayong may kautusan na ang lokal na pamahalaan na itigil ito.

Sa ngayon ay nasa 40 gusali na may tatlo hanggang limang palapag ang nasa loob ng subdivision bukod pa dito ang bagong ipinapatayong apartment. (Armida Rico)