Chinese pork binebenta sa Las Piñas

Patuloy pa ring binebenta ang mga pork product na galing China sa mga bagong sulpot na grocery sa Las Piñas City na mga Chinese ang target na kliyente.

Kahapon, nakabili ang Abante Tonite ng Gulong pork luncheon meat sa isang Chinese grocery sa Brgy. Almanza Uno, Las Piñas, na hindi nagbibigay ng resibo.

Pinagbawal ng Department of Agriculture (DA) ang pag-aangkat ng mga pork product dahil sa African Swine Fever (ASF) na matinding nanalanta sa pork industry. Mabilis kasi mahawa ang mga baboy sa ASF at tiyak na mamamatay na ito kapag nahawa.

Kabilang ang China sa mga bansang tinukoy ng DA na apektado ng ASF.

Maraming mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Las Piñas at marami na ring mga Chinese sa lugar na siyang pangunahing kliyente ng mga Chinese grocery na hindi nagbibigay ng resibo.

Laman din ng mga grocery na ito ang mga produktong galing China na hindi rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA).

Binili ng Abante Tonite ang isang de-lata ng Gulong pork luncheon meat kahapon para lamang gawing patunay sa mga awtoridad na laganap pa rin ang bentahan ng mga ito.

Bago pa nagka-ASF sa bansa, paulit-ulit nang nagpapahayag ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ng pangamba dahil sa walang humpay na pagpasok ng mga de-latang baboy mula sa China na maaaring pagmulan ng sakit ng mga lokal na baboy.

Halos kalahating taon ding silang ngumangawa laban sa mga pork pro­duct na galing China bago maglabas ng advisory ang FDA laban dito.

Ibinahagi ito ng Abante Tonite kay FDA officer-in-charge at Department of Health (DOH) Undersecretary Rolando Enrique Domingo ngunit wala pa itong pahayag hanggang sa sinusulat ang balitang ito. (Eileen Mencias)