Bumulaga sa bansa nitong nakalipas na araw ang high-tech na operasyon ng mga sindikato na nagbebenta ng kababaihan gamit ang application sa internet.

Nag-level up na rin ang mga sindikato at sumabay sa teknolohiya kaya hindi agad natunugan ng mga awtoridad ang aktibong ope­rasyon ng mga ito sa Pilipinas.

Mga dayuhang Chinese ang tinukoy ng mga awtoridad na nasa likod ng prostitution ring at kung mayroon mang Pilipinong kasabwat, ito ay para hindi halata ang kanilang ope­rasyon sa bansa.

Malikot ang imahinasyon at mga utak ng sindikato sa kanilang estilo dahil napapatakbo nila ang pagbebenta ng mga babae na mistulang putahe lang na ino-order sa internet gamit ang isang online chat application.

Batay sa report ng mga awtoridad, kababaihang Chinese at mayroon ding mga Pilipina ang ikinakalakal ng mga sindikato na ang mga kalimitang mga kustomer ay Chinese national na hayok sa laman at panandaliang aliw.

Karamihan sa mga kustomer ng prostitution ring ay mga Chinese na nagsimula sa pagdami ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.

Bagama’t naging sunod-sunod ang pagsalakay ng mga awtoridad sa mga sex den, wala namang tigil ang pagdagsa ng mga Chinese at iba pang nasyonalidad sa bansa.

Sadya bang mahina ang radar ng mga awtoridad kaya hindi natutunugan ang ganitong gimik ng mga sindikato o baka naman may nakakaalam subalit nanahimik na lang dahil may pakinabang?

Matatandaang bago pumutok ang high-tech prostitution operation sa internet ay mayroon na ring nalansag ang mga awtoridad na sex den sa Malate, Maynila noong nakalipas na taon kung saan ang mga ibinebenta naman ay mga magagandang dayuhan na kung tagurian ay ‘fo­reign dolls’.

Dapat sigurong silipin ng mga awtoridad kung ang mga nagpapatakbo sa mga ito ay yaon ding grupong may hawak noon sa ‘Barbie Girls’ sa Malate. Malay natin, baka may koneksiyon ang mga ito, lalo na kung tiba-tiba ang kita sa ganitong operas­yon.

Mismong ang Malacañang ay hindi natutuwa sa mga krimeng dala ng mga Chinese syndicate kaya naman kinalampag ang mga awtoridad na paigtingin pa ang imbestigasyon para maaresto at maipakulong ang mga dayuhang gumagawa ng mga iligal na operas­yon sa Pilipinas.