Chinese timbog sa pagbebenta ng overpriced face mask

Arestado ang isang Chinese national na nagbebenta ng overpriced face mask habang umaabot naman sa mahigit P15 milyon halaga ng face mask ang nasamsam sa isinagawang entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Miyerkules ng hapon sa Paranaque City.

Sa ulat ng CIDG Anti-Transnational Crimes Unit (ATCU), nadakip sa isinagawang entrapment operation ang suspek na si Wang Lin.

Lumalabas sa ulat na dakong alas 3:30 ng hapon nang isagawa ang entrapment operation sa Multinational, Barangay Moonwalk base na rin sa sumbong ng dalawang saksi.

Base sa reklamo ng dalawang tauhan ng suspek, puwersahan umano silang pinagbebenta ng suspek ng kahon-kahong face mask sa napakataas na halaga kaya agad nagsagawa ng entrapment operation ang awtoridad.

Nakuha sa nasabing operasyon ang 270 kahon ng facemask na naglalaman ng kabuuang bilang na 540,000 piraso na aabot sa halagang P15,120,000.

Sa ngayon ay nakakulong ang suspek na chinese national sa Paranaque City police detention cell habang inihahanda ang patong-patong na kaso laban sa suspek. (Edwin Balasa)