Chinese workers dadagsa pa sa bansa

Inaasahang lalo pang dadagsa at mamama­yagpag ang mga Chinese national sa Pilipinas upang dito magtrabaho.

Ito ang senyales na ibinigay ni Pangulong Duterte sa kaniyang talumpati sa PDP Laban rally na kaniyang sinasabi na hayaan na raw magtrabaho sa bansa ang mga Chinese worker.

Talagang ipinaparamdam ng ating Pangulo sa bansang China kung gaano kahalaga sa kaniya ang mga Chinese.

Hindi tuloy maiaalis sa usapan ng mga Pinoy na talagang wala na tayong habol sa West Philippine Sea na inangkin ng China dahil sa pahayag na ito ng Pangulo na haha­yaan ang mga Chinese worker.

Ni hindi man lang nilinaw ng Pangulo na ang hahayaang magtrabaho na mga Chinese worker ay may mga legal na papeles at may kaukulang dokumento o working permit.

Takot daw kasi si Pangulong Duterte na palayasin din ang mga Pilipino na nagtratrabaho sa China kaya dapat ay hayaan lang ang mga chinese wor­ker dito.

Pero baka hindi alam ng Pangulo na halos lahat ng mga Pilipino na nagtratrabaho sa China at iba pang mga bansa ay tumutugon sa kailangang working permit at iba pang dokumento na siyang patakaran ng mga bansa sa anumang foreign worker.

Ang senyales na ito ay legal o walang wor­king permit ay hindi kalantiin ng gobyerno na isang malaking banta sa mga Pilipino dahil asahan na magiging kaagaw sila sa mga trabaho sa bansa.

Ang masaklap nito ay kakaunti nga lang ang oportunidad sa trabaho dito sa Pilipinas kaya maraming Pinoy ang nakikipagsapalaran at nagtitiis na magtrabaho sa abroad samantalang ang mga Chinese ay luluwagan na manatili dito.

Wala akong tutol na magtrabaho ang mga Chinese national dito sa Pilipinas pero para lang sa mga posisyon na hindi kaya ng Pilipino.

At higit sa lahat kung magtratrabaho ang mga Chinese dito sa Pilipinas ay kailangang may mga dokumento o working permit upang mabilis ding mamonitor ng gobyerno sakaling ma­kagawa ng kalokohan at iba pang krimen.