Kalunos-lunos ang hitsura nang matagpuan ang labi ng isang dalagang saleslady na walang ulo, braso, at binti sa loob ng isang washing machine sa comfort room ng isang bahay sa Brgy. Amsic, Angeles City.

Kinilala ang biktima na si Lindsey Chan Avelino, 28-anyos, tubong Camalaniugan, Cagayan at kasalukuyang nakatira sa Purok 2 ng naturang barangay.

Ayon kay Angeles City Police director Colonel Marvin Ma­ngune, suspek sa karumal-dumal na krimen ang live-in partner ng biktima na nakilalang si Eduardo Macapagal Pasion, 40-anyos, isang airplane replica maker at nakatira sa Brgy. Sta. Teresita ng nasabing siyudad.

Napatay umano ng kanyang mga tauhan ang suspek sa isang engkuwentro sa Brgy. Pampanga, Angeles City noong Lunes nang umaga matapos makipagbarilan sa mga pulis habang tumatakas.

Ayon sa imbestigasyon, noong Linggo nang umaga ay narinig ng kanilang kapitbahay ang pagtatalo ng magka-live in sa loob ng tinutuluyang apartment.

Makalipas ang ilang oras ay nakitang lumabas ng bahay ang suspek na parang balisa at may bitbit na isang kulay itim na travelling bag.

Matapos ikandado ang dalawang steel padlock ang pintuan ng bahay ay mabilis na umalis ang suspek bitbit ang travelling bag.

Ayon kay Mangune, matapos ang engkuwentro ay narekober ng kanyang mga tauhan sa napatay na suspek ang isang 9mm pistol na walang serial number, mga bala nito at ang itim na bag na naglalaman ng pugot na ulo, pinutol na braso at binti ng biktima.

Base sa nakalap na impormasyon, ipinagtapat ng suspek ang nagawang krimen sa kanyang employer na siya namang nag-report nito sa pulisya kung kaya’t nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad na humantong sa shootout.

Nabatid pa na matinding selos ang dahilan kung bakit pinatay ng suspek ang biktima dahil sa hinala umano nito na may ibang karelasyon ang kanyang live-in partner. (Rudy Abular)