Mainit pa rin sa mga tao ang ipinamamahaging emergency cash assistance sa ilalim ng Special Amelioration Program (SAP) dahil marami pa rin ang umaasa at naghihintay na makatanggap ng ayuda mula sa gobyerno dahil sa nararanasang krisis sa coronavirus disease 2019 o COVID-19.
Dapat sana ay natapos na ang unang bugso nang pamamahagi ng cash assistance subalit marami pa ring local government unit ang hindi nakaabot sa deadline dahil sa mga sari-saring dahilan.
Kaya naman nagpasya ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na magbigay ng extension para matapos na ang first wave ng distribusyon ng ayuda.
Halos mangalahati na ang buwan ng Mayo pero hindi pa nailalarga ang ikalawang bugso ng SAP dahil hindi pa lahat na-audit ang mga LGU lalo na ang mga nahuli sa pamimigay ng tulong pinansiyal mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Bukod dito, tambak na ang natatanggap na reklamo ng DSWD at DILG dahil sa hindi maayos na pamamahagi ng pera at mga hindi binigyan ng ayuda kahit kuwalipikado ang mga ito.
Isa sa mga nagpagalit kay Pangulong Rodrigo Duterte ay ang mga nakarating na balita na hinahati-hati sa dalawa o tatlong pamilya ang cash assistance na dapat sana ay para sa isang pamilya lamang.
May mga inilabas na panuntunan at pamantayan ang DSWD sa mga LGU sa pamamahagi ng ayuda na hindi puwedeng hatiin o bawasan ang ibibigay sa mga mahihirap na pamilya dahil batid ng gobyerno na kailangang-kailangan nila ito ngayong panahon na walang hanapbuhay ang mga tao.
Pero mayroon pa ring mga opisyal ng barangay na hindi nakinig o hindi naintindihan ang panuntunan ng SAP at nangatwirang gusto lamang nitong mabigyan ang lahat ng mga ka-barangay.
Pero dapat na sundin ang polisiya ng DSWD at ang lalabag nito ay kakasuhan o mahaharap sa asunto.
Malaking hamon ngayon sa DILG ang pagsasampa ng kaso o pagsuspinde sa mga opisyal ng barangay dahil hinihintay ng mga tao ang magiging aksyon laban sa mga pasaway na barangay official.
Nakaabang ang publiko sa mga masasampulan ng DILG ang mga hindi sumunod sa patakaran at hindi umintindi sa kapakanan ng mahihirap na pamilyang biktima ng chop-chop na ayuda.
Bukod sa hinati-hating cash assistance, iniimbestigahan na rin ng DILG ang ilang barangay sa bansa na kinukuha ang kalahati ng perang ibinigay sa mga benepisyaryo, at kapag ayaw sumunod ay idinadaan na umano sa pananakot.
Maaasahan ba natin Secretary Eduardo Año na sa mga susunod na araw ay mababalitaan na namin ang mga sasampulan ng inyong ahensiya dahil sa hindi pagsunod sa pamamahagi ng cash assistance?
Maraming mahihirap na pamilya ang masama ang loob dahil pinaasa sila ng mga kawani ng DSWD at mga opisyal ng barangay at sa bandang huli ay sasabihing disqualified ang mga ito sa ilang kadahilanan.
Sana sa ikalawang pamamahagi ng ayuda ngayong Mayo ay hindi na lalagpasan ang mga hindi nabigyan, at huwag ihokus-pokus ang pondo na sa bandang huli ay malalamang mga kamag-anak, kakilala o malapit sa mga opisyal ng barangay o kaya ay kaibigan ng social worker ang mga pinaboran sa SAP ng gobyerno.