Chopper napunta sa danger zone PNP general ayaw maputikan

Nalagay sa malaking peligro ang buhay ng 4 heneral ng Philippine National Police (PNP) dahil umano sa utos ng isa sa kanila na lumapag ang heli­copter sa isang lugar na hindi maputik dahil ayaw umanong madumihan ang kanilang makikintab na sapatos, subalit lingid sa kanilang kaalaman ay may nakaambang peligro dahil sa nakahambalang na mga kable ng kuryente.

Lumabas ang sari-­saring espekulasyon sa dahilan ng helicopter crash sa San Pedro, Laguna lalo pa’t bago ang ginamit na Bell 429 GlobalRanger chopper na nabili sa public bidding noong 2018 sa halagang P435 milyon at well trained naman ang piloto nito.

“Ayaw maglakad, ayaw maputikan, itinuro lang kung saan mag landing,” ito ang sabi sa tweet ni ­RoyVibes.

“Nag-crash kase ayaw ng mga PNP heneral na maputikan yung makin­tab nilang mga sapatos. Na overrule ung piloto- na imbes lumapag sa medyo malayo pero safe na terrain na di gumawa ng dust storm (na siyang naka disorient ng piloto) – inilapag sa itinuro ni ‘General’,” lahad naman ni Atty. Wilfredo Garrido sa kanyang ­Facebook post.

“Why they would allow it to land in an unsafe area, near electric lines, houses and a tree boggles the mind. We taxpayers will understand if it went down in a combat operation. But it went down under the most peaceful circumstance, in the best weather, in broad daylight. Except there were Meralco posts that did not get out of the way to avoid being hit by the rotors,” dagdag pa nito.

At dahil masuwerteng nakaligtas sa insidente si PNP chief ­Archie Gamboa at dalawa pa ­nitong ­heneral, kailangan umanong imbestigahan ang tunay na dahilan ng pagbagsak ng ­helicopter.

Ayon naman sa isang mapagkakatiwalaang source na alas-sais pa lamang ng umaga ay diniligan o binasa ng mga water tanker ang lupa na pagla-landing-an ng Bell 429 chopper sa San Pedro, ­Laguna dahil sa mabuhangin ang lugar subalit nang pa-take off na ito ay hindi na muling nabasa ng tubig ang lupa na dahilan ng mistulang sand storm na isa sa sinisilip na dahilan ng chopper crash.