CHR budget hindi solo ng Senado

pantaleon-alvarez

Nagbabala kahapon si House Speaker Pantaleon Alvarez na hindi puwede ang kagustuhan lamang ng Senado ang masusunod sa isyu sa budget ng Commission on Human Rights (CHR).

Ginawa ni Alvarez ang pahayag dahil karamihan sa mga senador ay nais panatilihin ang pondo ng CHR kaya posibleng magkaiba ang bersyon ng mga ito pagda­ting sa Bicameral Conference committee.

Magugunitang inapru­bahan ng Kamara ang P1,000 budget ng CHR.

“Pagkaganyang mga positioning, ako ginagalang ko ang Senado no, pero hindi po basta yoon ang gusto ng Senado yoon ang masusunod yoon lang po ang masasabi ko diyan. Puwede po kaming mag-usap doon, pero hindi po puwede kung ano yung gusto nila yoon ang susundin namin,” ani Alvarez.

Sinabi naman ni House appropriation committee chairman Karlo Nograles na kung magkakaroon ng deadlock sa Bicam dahil sa isyu ng CHR budget, lahat ng mga programang makakatulong sa mamamayan sa susunod na taon ay hindi maipapatupad dahil magkakaroon lang ng reenacted budget.