CHR: ‘Strip search’ sa Bilibid tatalupan

Magsasagawa ng masusing imbes­tigasyon ang tanggapan ng Commission on Human Rights (CHR) kaugnay sa reklamo na pinapahubad bilang bahagi ng ‘body search’ ang mga bumisibita sa New Bilibid Pri­son (NBP).

Ayon sa pahayag ni Atty. Jacqueline Ann de Guia, tagapagsalita ng CHR, ang search na isinasagawa sa mga bumibisita sa kulungan ay dapat matiyak na naayon sa batas at may kaakibat na respeto sa mga tao.

Nauna rito, nakatanggapo ng reklamo ang komisyon noong Lunes kaugnay sa pagpapahubad umanong isinasagawa sa NBP sa isang dalaw ng preso.

Sa account ni Jimmylisa Bada­yos, kanyang idinetalye kung paano siya pinaghubad at nabastos para lamang mabisita ang kanyang partner na si Calixto Vistal, noong Disyembre 29, 2019 sa NBP’s Maximum Security Compound.

Kaugnay sa nasabing reklamo, bibigyan-tugon ng CHR ang natu­rang reklamong upang matiyak kung may violation sa human dignity ang nasabing proseso gayundin mapabuti ang mga safety protocol sa nationa­l penitentiary at mga kulungan sa bansa.

Ayon kay De Guia, muli nilang pinaalalahanan ang gobyerno lalo na ang mga opisyales at tauhan ng NBP at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), na mahigpit na ipatupad ang kanilang polisya at guidelines sa pagsasagawa ng body search sa lahat ng mga dalaw subalit dapat umano ito ay reasonable at ipinatutupad na may kaakibat na respeto sa dignidad ng tao.

Ang mga kuwalipikadong health-care professional o yaong mga bihasa o trained health-care professio­nal ang siya lamang pinahihintulutan na magsagawa ng body search kung kinakailangan.

Ang pagsasagawa ng body search ay naglalayong matiyak ang kaligtasan ng mga tao na pinagkaitan ng kala­yaan gayun din ang mga taong nasa pasilidad ng kulungan para na rin maiwasan ang pagpasok ng mga iligal na kontrabando sa Bilibid. (Riz Dominguez)