Christmas na sa ‘Pinas

Magkaka-LSS o Last Song Syndrome ka na naman sa pamosong kanta ni Jose Mari Chan na “Christmas in our Hearts”. Parang si­rang plaka na naman ‘yang ipe-play sa mga paborito mong radio station. Huwag nang magtaka, simula na kasi ang BER months.

Malamang ding marami nang Christmas decors ang mga pasyalan gaya ng malls at carnivals. Kaliwa’t kanan na rin ang mga alok na promo at discounts ng mga produkto’t serbisyo. Ang ilan sa atin, nagsisimula na ring mamili ng regalo para sa mga inaanak.

Hindi maitatatwang pagpatak ng u­nang araw ng Set­yembre, ‘Christmas is in the air’ na ang feeling nating mga Filipino. Tayo raw ang may pinakamahabang pagdiriwang ng Pasko sa buong mundo – umaabot nang mahigit apat na buwan. Katunayan, kinilala ng CNN at Guinness Book of World Records ang Pilipinas noong 2012 dahil d’yan.   

Nagtatapos ang Paskong Pinoy sa unang Linggo ng Enero kung kailan ipinagdiriwang ng Simbahang Katolika ang ‘Three Kings’.

Ayon sa sociologist na si Bro. Clifford Sorita, wala pa ring makapagsabi kung saan nagsimula ang tradisyong ito ng mga Filipino. Pero dahil karamihan sa ati’y Katoliko, sumusunod tayo sa Liturgical Calendar. Dito nakasaad na ang Advent season o ang paghahanda sa kapanganakan ni ­Hesu-Kristo’y nagsisi­mula apat na Linggo bago ang Pasko.

Natural na raw sa ugali at kultura nating mga Filipino ang pagiging ‘festive’. Tuwing Christmas season, sinisikap nating magkasama-­sama ang pamilya sa iisang hapag habang pinagsasaluhan ang masasarap na handa sa noche buena at media noche.

Ang kababayan na­ting overseas Filipino workers, isasakto ang pagbabalik-bayan sa BER months. Iba raw kasi talaga ang Paskong Pinoy.

‘Ika nga nila, wala itong kapantay. Kaya pikit-mata na lang sa mga gastos pag-uwi ng ‘Pinas, ang mahalaga – sama-sama at buo ang pamilya sa araw ng kapanganakan ni Hesu-Kristo.

Para naman kay Prof. Jimmuel Naval, isang pop culture expert, nakagisnan na raw na­ting mga Pinoy ang mahabang pagdiriwang ng Pasko dahil sa mga benepisyong dulot nito.

Sa isang radio interview, sinabi niyang may kung anong saya ang hatid ng Pasko sa atin. Ito raw ang pangsalba natin sa lahat ng paghihirap at mga problema ng mga nagdaang buwan. Kabilang na rito ang mga trahedya at kalamidad. Sa kabila ng masasamang karanasan, may biyaya’t grasya pa ring darating ­tuwing Pasko.

Iba-ibang happiness level ang hatid sa atin ng Christmas season. Ang sa akin lang, hindi nasusukat sa magagarbong disenyo at nagkikis­lapang mga ilaw ang pagdiriwang ng ­Pasko. Huwag sana nating kali­mutan ang tunay na diwa nito – ang pagbibigayan, pagpapatawad at pagmamahalan.