May sariling bersiyon ng grand slam ang San Miguel Corporation sa nakaraang 43rd season ng PBA.
Hindi nagpasingit ang SMC teams sa korona ng tatlong conferences ng 2017-18 season – San Miguel Beer sa Philippine Cup, Ginebra sa Commissioner’s, at Magnolia Pambansang Manok Hotshots sa Governors.
Sa ilalim ng pagmamando ni Sports Director Alfrancis Chua, sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng PBA ay winalis ng SMC ang tatlong torneo.
Dahil sa impresibong pagtimon sa tatlong ballclubs, si Chua ang tatanggap ng PBA Press Corps Danny Floro Executive Award sa 25th anniversary ng Annual Awards Night presented by Cignal TV sa Jan. 21 sa Novotel Manila-Araneta Center.
Sinamahan ni Chua ang mga unang tumanggap ng pagkilala kabilang sina Manny V. Pangilinan, Ramon S. Ang, Wilfred Uytengsu, Jr., Danding Cojuangco, Raymund Yu at Terry Que, Ricky Vargas, Sonny Barrios, Rene Pardo, Buddy Encarnado, Elmer Yanga, Simon Mossesgeld, George Chua, nasirang Jun Bernardino at Henry Cojuangco.
Nakabitin pa kung sino ang tatanggap ng Virgilio ‘Baby’ Dalupan Coach of the Year trophy. Gitgitan sa award sina Leo Austria ng SMB, Tim Cone ng Gins at Chito Victolero ng Hotshots.
Unang dinaos noong 1993 sa Dona Nena’s, magbibigay rin ang PBAPC ng first ever Life Achievement Award kay Alaska team owner Uytengsu.